Maiksing Paunang Salita
Ito ang ika-apat na chapbuk ng tula ng Angono 3/7 Poetry Society. Produkto ito ng lingguhang workshop namin tuwing Sabado. Itiyenempo namin ang paglabas nito ngayong Agosto bilang pagtatampok sa Buwan ng Wika – ang wikang Filipino.
Inilathala na rin namin online dahil wala kaming pera pang-aklat.
Pero meron kaming Rizal News Online na may baseng masa ng mambabasa sa aming lalawigan at sa lahat ng mga taga-Angono at Rizalenyo na nakakalat sa 72 bansa sa buong mundo.
Para sa kanila ang chapbuk na ito.
Ito ang tinig mula sa Angono. Ito ang alingawngaw mula sa lalawigan ng Rizal. Ito ang ambag namin sa buhay na panitikang Pilipino at sa patuloy naming pagsisining bilang mga taga-Angono at bilang Rizalenyo.
Hayaan nyo pong kausapin kayo ng aming mga tula. Hayaan nyo pong tula mismo namin ang mangusap.
Mabuhay ang tula! Mabuhay ang sining!
-Richard R. Gappi
Pangunahing Tagapagtatag
Angono 3/7 Poetry Society
Angono, Rizal, Pilipinas
Sabado, Agosto 27, 2011
Tata Raul Funilas
Ang Buhanging Moog
Ang buhangi’y isang matibay na moog,
Lalo’t nilangkapan, pinulbos na apog;
Kanyong bumubuga’y ni hindi mayugyog
Aseradong bala, pagsalpok ay lukot.
Ngunit yaong tibay ng hinulmang moog,
Nagiging panguhit na hagwis sa apog.
Dahil ‘pag ang ula’y tikatik-mayugyog;
Unting naagnas hanggang sa malukot. #
Sa Duyan ng Paghihintay
Ugoy ng malusog na diamanteng duyan
Ang aking pighating dagli mong iniwan,
Bakit ngayon mo pa naisip lumisa’t
Humanap ng palad sa Lumang Silangan?
Ngayon pang usbong na ang ating mahalan.
Kahit bayan nati’y ‘sang kahig ‘sang tuka,
Nariritong lahat ang laksang biyaya;
Maging masipag lang at konting tiyaga’y
Makakaraos din sa Poong may-awa.
Hilamos ng araw sa tuwing umaga,
Kaydaling hulihi’t dagling nakukuha;
Sa dalangi’t tiplag ng ating pag-asa’y
Bumabalabal din sa ating pagsinta.
Sakaling hindi ka sa balak mapigil,
Umasang puso ko’y lipos maninimdim;
Malusog na duya’y dito ibibitin
Ang libong hinagpis ng aking damdamin
Hanggang sa paglubog nitong takipsilim. #
Rose Garden
Bubukangliwayway nang muling bumukad
Ang libong talulot sa harding malawak,
Nag-uunahan ding hamog ng magdamag
Sa mayabong lupa’y hagdang pumapatak.
May puti, may dilaw, may rosas at pula,
Na sa aking mata ay nagpapasigla;
Tuwinang makita sa silay-umaga’y
Nagiging sariwa ang aking hininga.
Tinangkang pumitas sa tangkaying tinik,
May naulinigang hagikhik-matinis
Ng isang talulot at usal sumambit
Na pulakin lamang ay ang iniibig.
Rosas ang pinili ng kaliwang kamay,
Sa plurerang dibdib, aking ini-altar. #
Masarap ang Takap
Humihingal ka pa nang ako’y lumapit
Upang alamin ko ang pintig ng dibdib
Ako ay namangha sa ‘yong bukambibig
Na waring kagalit ang buong daigdig.
Tinangkang hawakan ang lagpak-balikat
Ngunit pinalis mo ang taob kong palad
Tinangkang haplusin lahat na marapat
Subalit bingi ka’t laging nakatakap.
Kagyat na umalis at ako’y lumisan,
Noon ka nag-angat ng mukhang malamlam;
Dagli kang umusal: “Hintay! Hintay! Hintay!
Paa ko’y pumihit ikaw’y binalikan.
Ano’t nang malapit, palad mo’y tiniklop,
At ako’y inunday, binigwas ng suntok;
Aking inilagan at kagyat tinukop
Ang kambal mong bundok na napakabintog.
Ikaw’y nagpumiglas patuloy ang takap,
Ngunit ang dinig ko: “Ay! Napakasarap!” #
Mangingisda at Kanaway
Ang hiwa sa lawa’y laging may kabuntot
Na langkay-kanaway na umiimbulog
Sa nakitang antaw na isdang malusog
Upang yaong gutom ay mapawing lugod.
Kawangis ay isang mangingisdang walang
Makitang pagaspas ng itlugang isda,
Kaya ang mata n’ya ay tumitingila
At tinatantiya ang galang buntala.
At kapag nakita ang laginling senyas,
Ang banatang lambat kagyat ikakalat;
Upang di magahol, gaod di sasagad
H’wag lamang mahuli sa handog ng dagat.
Matapos madagit, lipad ang kanaway
Sa tulos dadapo at maghihingalay,
Mangingisda nama’y susog walang humpay
Ang sinasaguna’y maraming matakal.
Ibo’t mangingisda’y parehas humanap
Ng ikabubuhay sa yaman ng dagat. #
Glen Sales
Tatay
Hinihintay ng anak ang kaniyang tatay
Tulad ng nakasanayan, bubuhatin
Na naman siya ng kaniyang tatay
At sasabihing nakakawala ka ng pagod
Sa maghapong pagtratrabaho mula
Sa tinatatayong gusali
Salamangkero na naman ang tatay
Dahil sa iba't ibang pasalubong
Tulad ng kendi, palobo't tinapay
Na lumalabas sa kaniyang bulsa.
Ngunit ngayon, walang tatay na dumating.
Sa halip, may kung anung sumapi
Sa kanyang asawa at pigil ang iyak
Habang naghahabol ng oras.
Taliwas ito sa inaasahan ng anak. #
Hintay
Pinipigil niya ang himok ng antok,
Sa abang-abang na pagkatok ng kanyang asawa
Sapagkat sa unang pagkakataon, walang dumating
Nang tumungtong ang alas-onse
Di niya napansin ang maiinit na payo ng pag-ibig
Sa radyo; mas maigting ang paglalaro ng pangamba
Sa kanyang sentido sa bawat paglakad ng oras.
Lalo na't sa pagsilip sa bintana
Namasid niya ang nag-uunat na liwanag. #
Sa Iyo
Kahit himbing na ang paligid kailangan kong manatiling gising.
Sapagkat kailangan ko pang isaulo ang mga teoryang gumagabay, gagabay
Upang maging bihasa sa pinili kong larang.
Mahaba man ang oras na kailangan kong ilaan sa manuskrito't libro
Hindi nito maagaw ang pag-ibig ko sa iyo
Kaya kung may araw mang ganito,
Huwag sanang lumayo ang iyong puso. #
Tagalinis ng Salamin
Maghapon nilang sinalamin
Ang kanilang mga imaheng
Tinutunaw ng araw
Ngunit mas natatakot pumanaw
Dahil sa nagbabantang gutom
Sa kanilang pamilya.
Silang natutuhang paslangin
Ang wika ng lula
Subalit may dulot na kaba
Sa sinumang makakakita
Sa tukso ng tingala. #
Lata
May laman
Na pumalaman
Sa mga matang naawa;
At naghugis
Sensilyong
Nangalaglag
Sa latang
Lata
Sa maghapong
Pagtunganga. #
Danilo C. Diaz
Sa Iyong Hinagpis
Sa huling pag-idlip
tuluyang pagpikit,
Di lubos at batid
huli mong inisip.
Ang lungkot na hatid
ng Iyong pag-alis,
Kung sana nga'y saglit
dagliang mapalis.
Kaming iniwanan
merong pagdaramdam,
Di pa inasahan
ang Iyong paglisan.
Kung meron kang sigaw
na hindi nalaman,
Sa aming pagdasal
sana'y mapakinggan.
Kung meron mang pait
na laging kadikit,
Mag-isang tiniis
matagal nang sakit,
Sana ang pumahid
sa luha mong pinid,
Lubos ding pag-ibig
na Iyong ninais.
Aming pagmamahal
sakaling nagkulang,
Patawad ang dasal
huwag nang magdamdam.
Ang Poong Maykapal
sa Iyo'y gumabay,
Kaniyang kalangitan
sana'y masumpungan. #
dcd/dodie
17Aug.'11
Sa Pagpanaw ni Alex M. Villamayor
ALVI, sa iyong pagpanaw
Paano ko hahagilapin
ang mga salita na pipigil sa pagdaloy ng luha
Paano ko lilikhain
ang aking Tula na sa iyo’y iaaalay
Paano ko sasambitin
ang aking damdamin na puno ng paninimdim
sa iyong pagpanaw.
Mula kamusmusan
magkapitbahay, magkalaro, magkaklase, magkabarkada
Mula sa unang baitang hanggang sa magtapos
sa mataas na paaralan
Abay sa iyong Kasal
inaanak mo at inaanak ko ang ating mga panganay na anak
mga panganay na anak na inaanak naman ang ating mga bunsong anak
Tula ko ngayon ay Ikaw
ang Iyong Pagpanaw
masakit kaibigan na ang maging laman
titik at salita kong kaulayaw ay ang iyong paglisan.
Pare,
Kung naririto ka di ka man madama
kung nagmamasid ka di ka man makita,
Iyong pagkawala ay aming pagluha
ang iyong ala-ala ang tanging kasama.
Di mo man marinig ang mga hinagpis
lungkot nang pag-alis alam mo ang hatid
Di ka na babalik mata na’y pumikit
alam mong masakit may tinik sa dibdib.
Sa mga minahal ang aking pagdamay
hiling ko at dasal tanggaping lubusan,
Sa lungkot at lumbay buhay mong pumanaw
di man malimutan Diyos ay gumabay. #
dcd/dodie
Kay Alex M. Villamayor
(Nov.6,’60 – Aug.10,’11)
Sa Aking Padala
Ang Iyong pag-ibig nang ako’y umalis
mabigat sa dibdib dala ko at bibit,
Nasa aking isip na nagsusumiksik
baka pagbabalik wala na ang init.
Sa hirap at pagod na wala kang haplos
naroon ang takot ako ay malimot,
Sa gitna ng lungkot ang tangi kong yapos
damit mong pantulog pabaon na kumot .
Iyong pinangarap sa gitna ng hirap
sinikap mahanap ipon ay sumapat,
Kulang man sa sarap di kinayang sagad
punoan ang lahat nang singit kong sulat.
Kahit mumurahin mahal o bigatin
aking panalangin maayos pagdating,
Susunod na lambing pangakong tuparin
huwag lang manimdim ako ay limutin.
Dagat kalangitan saan man magdaan
mabilis mabagal palaging espesyal,
Di sana masayang ano man ang laman
walang karamdaman kapag sumakamay.
Sa aking padala may luha ang tuwa
palaging kasama iyong alaala
Tanging mahalaga pinilit magkasya
yun ay alam mo na “minamahal kita”. #
Sa EDSA sana
Kung sana ang EDSA tunay na himala
sigaw na ay tuwa madalang ang ngawa,
Tuyo na ang luha kalsada ma’y basa
dahil buong bansa may Pista’ng Dakila.
Sariwa pa noon hindi tulad ngayon
kamao kong kuyom handa ng sumuong,
Sa Kuko ng Buhong bala man at kanyon
puso na may gutom ayaw nang lumangoy.
“Sobra! Palitan Na!” sigaw na iisa
matanda at bata may kaya o wala,
Ngayon sa kalsada mayroon pang ngawa
pangakong pag-asa sana makamit na.
Natanim na hirap wala pa ang sarap
higit pa ang saklap dala sa paghanap,
Hindi maapuhap tamis ng paglasap
tunay ang masaklap bigo ang pagganap.
Maraming kumahol sigaw na ay bulong
hanggang sa kabaong may hikbi pa’t ungol,
Kumalas sa buhol nagpalit ng bubong
sa kutson sumilong may bayad paglingon.
Ang lakas sa EDSA masa ang simula
nangyari man’g kusa bayan ang gumawa,
Kulang pa ang isa kahit may dalawa
mga luhang basa dama pa ng bansa.
Kung mga pangako tuluyang mapako
di agad susuko pangarap ma’y bigo,
Sakaling ang nguso gapusin ng buo
handa pang sumubo mag-alay ng dugo. #
Agosto 21
Sa naging simula
hirap nang tumula,
Kasi ang salita
baka di na tugma.
Sa maraming sana
nadama ay wala,
Ayaw maghimala
ng mga pagngawa.
Ulanin arawin pumila’t tumingin
mga nakapiling nauuhaw pa rin,
May naging bigatin merong di napansin
sa alala't libing tuloy ang hinaing.
Sa mga parangal pagpuri't papugay
may di sinawaan mayroong nasayang,
Mga sumisigaw kung may nalimutan
sakit ng nagdaan hindi katarungan.
Sobra man o salat nabasa’t nasulat,
sana sa naganap tunay may nagwakas,
Ang mga pangarap pareho mang lahat
mayhirap maylakas sadyang di magtapat.
"Di ka nag-iisa"
muling pag-alala,
Sa puso ko't diwa
hindi mawawala.
Sa aking nakatha
pumatak ang luha,
Malaya kong tula
may dulot na tuwa. #
Philip Anorico
May Isang Landas
Noon, may isang landas na bumukad.
Ang alam ko, basta na lang gumuhit ang daan.
Kahit ang mga matatanda sa ibayong bayan
Ay di matukoy ang dahilan.
Tila mga susong nakaumbok ang lupa nito.
Pinakikinis ng yumayapak na mga tsinelas
At tumatahak na gulong ng karitong hinihila ng kalabaw.
Nangagsitindig ang mga kabahayang yari sa pawid.
Parang ngiping tumubo ang mga halamang-bakod.
Iyon ang tumiyak sa muhong pumapagitan
Sa lote at lansangan.
Sa isang kubol na di sadyang napalaki ang bintana,
Dahil sa karpinterong pabaya at salat
Sa wastong panukat ng hubad na mata,
May naglakas-loob na maglagay ng mga garapon.
Nilamnan ito ng mga yema’t sigarilyo.
Di naglaon, pati sitaw at kangkong ay nahantad doon.
Bukas ang landas para sa lahat.
Malayang lumalakad at sumisigaw ang magtataho
Kasabay ng mga tilaok at malalambing na huni ng umaga.
Nanggigising ang kiskis ng walis na lalong nagpapalinaw
Sa korte’t giwang ng matandang landas.
Hinahawan kasi nito ang mga dahong tumatakip sa daan.
Sa tanghali, dumadaan ang mabigat na bagol
Na hinihila ng matiyaga at pasensyosong baka.
May mga natutuwa at bumibili ng andador
O duyang gawa sa kawayan.
Pero meron ding napapamura’t nanghahagad na bungangera
Dahil sa mga tumpok ng taeng naiiwan sa daan.
Sa hapon naman, nagtatakbuhan ang marurupok na binti
Ng mga batang nag-uunahan tungo sa aratiles.
Isang araw, may dumating na mga sundalong Amerikano.
Dahil bukas ang landas na ito sa lahat, malugod silang tinanggap.
Nangako silang ipasesemento ang daan.
Kalakip daw ito ng kaunlaran at masaganang buhay.
Tatayuan din daw ito ng mga poste ng kuryente
Upang magliwanag ang daan sa gabi.
Sa paglaon, propesiyang natupad ang mga iyon.
Sintamis ng tsokolate ang mga huntahan
Hinggil sa nalalapit umanong pag-unlad.
Ngunit nauso naman ang nakawan.
Kaya binunot ng mamamayan
Ang mga halamang-muhon
At pinalitan ito ng matataas na pader.
Unti-unting tinapyas ang baha-bahagi ng mga bahay
at ginawang sementado.
Nilagyan ng mga rehas ang bintana’t hinigpitan ang kandado ng mga pintuan.
Dumalas din ang holdapan sa kanto.
Kung kaya nilagyan ang entrada nito ng matayog na tarangkahang-bakal.
Pinostehan din ito ng gwardiyang de baril, sa araw at gabi.
Nagselan din ang mga tao
Sa kagat ng lamok dahil sa lumalaganap na malaria.
Kaya nilambatan nila ng mga iskrin ang bintana.
Ngayon, ang kalye ay namimili na ng tatanggaping bisita.
Bosina ng mga kotse’t angil ng motor ang gumigising dito sa umaga.
Bihira nang dumaan ang magtatahong madalas na napagbibintangang magnanakaw.
Ang mga batang nagtatakbuhan at nagsisigawan
Ay binansagang mga pasaway at suwail sa magulang.
Wala nang nakaaalala sa mga kawayang duyan at andador,
maging ang mga dating sanggol na inaruga nito.
Ang matandang landas ay tinatawag nang subdibisyon. #
Sa Bayan Kong Angono, Rizal
Tila mga butas sa lumang sungkaan
Ang pagkahilera ng mga talyasing
Nakaupo sa trono ng kalan.
Sanay na ang puwit sa mahabang silab,
Walang angal mag-uling man sa apoy na magdamag.
Dumadayb ang mga itik
Sa kulo ng mantikang pumupulandit.
Dito sa kusina ng bayan,
Sandok at panuhog ay panghigante’t naglalakihan.
Tuwing Sabado’y may malulutong at mamantikang pata
Sa Baliteng tagpuan ng mga magkasi’t sinta.
May mas malinamnam pa ba sa pritong abnoy
Na tinubog sa sukang sa paanan ni San Roque nakasilong?
Ti Ester! Mama Imboy!
Tata Godeng! Estong Putol!
Dahan-dahan ang lakad, iwas sa naglalagusang motor.
Ay! Nilililis ng hangin ang bestida ng dalaga sa traysikol!
Si Pareng Ebok na pipilay-pilay,
Sa kilikili tuwina’y nakasuksok
Pares ng saklay na pangampay.
Pero ang pinatunayan: limitadong galaw
Ay di hadlang sa paglalakbay.
Kapag sa kanvas, humagod na siya ng kulay,
Buong daigdig ang saklot ng kanyang kamay!
Si Hector Magmamanok,
Walang pinag-iba: nakasando’t pantalon;
Ismid ang nunukal ‘pag napag-usapan
Ang aming mabuting punong-bayan!
Richard Gappi! Richard Gappi! Di pagagapi!
Lasing na ba? Tagay pa ba?
Nakabulatlat ang kartamonedang
Di nauubusan ng kuwarta.
Konsehal! Tatakbo ka na ba?
Pagbigyan naman kami ng bagong tula,
Pambuhay sa nauumid na pang-unawa.
Palakpakan!
Hayan na, hayan na si Ma’am Gaying, professor emeritus,
Naglalakad na ensayklopidya ng Angono.
Ang aral na aming natutuhan: may taglay na haka’t istorya
Bawat kilikili at singit ng taga-bayan.
Tulay na matibay, tulay na nag-uugnay
Sa luma’t bago, nakaraan at kasalukuyan,
Ang poging-poging si Boss Nemi Miranda.
Mga uugod-ugod na kalugod-lugod,
Huwag nang maghinanakit at maghinampo
Sa mga batang rebelde sa lipas na panahon
At baka lalo lang mapanot. Sayang!
Bawat hibla ng inyong uban
Ay pusod din ng aming karunungan.
Kuya Tangkê! Kuya Jon!
Nag-asawa na si Neli De Leon!
Ano na ang ginagawa sa inyong buhay-buhay?
Dito na lang tayo sa palengke nagkakahuntahan!
Isaw, helmet, betamax:
Pinipilahan, kasing haba ng sa sinehan.
Laos dito ang ihawang de paypay,
Pampabaga sa uling ay electric fan.
May sakit ba si Ti Tinay?
Ano’t ang agang nagsara ng pondahan?
May mas beinte-kwatro oras pa ba sa Ma Jusay?
Mainit na pandesal, peanut butter, at mantikilya;
Keyk, sopdrink, at sitsirya.
Dito ang ospital ng may mga emergency
Sa lalamunan at pangang nangangati.
Ruray, ang takbuhan ng bayan.
Sabihin mo ang kailangan at ibibigay:
Pang-ipit ng buhok, art paper, at iskats teyp;
Karayom na pang-sulsi, pang-makina,
Pang-cross stich, o panundot ng kalan!
Mapa ng mundo, ng Asya, ng Pilipinas,
Mga rehiyon, o kahit ng Angono man!
Pambalot ng regalo, pambalot ng yema,
Pambalot ng notbuk, o kahit pambalot ng tinapa!
Kuya Wire! Ate Kei! Kelan ang eksibit?
Mael! Turo! Bumangon na ba ang may sakit?
Mananghalian tayo sa Wawá,
Magdala ng sangkamaong kanin,
Kamatis at itlog-maalat.
Yuko ang damo sa tanghaling-tapat.
Nakangiti ang lawang minsang tinapunan
Ng musmos na tangis at iyak.
Tumataib ang lungkot,
Natutuyo ang kilapsaw ng luha.
Namamangka ang mangingisda,
Mamimingwit ng tilapia.
Makahigop nga ng kape sa Don Antonio,
Makipagkawayan sa palisaw-lisaw
na mga estudyanteng URS Angono.
Ang buhok ni Ma’am Pantaleon, di gumagalaw.
Si Ma’am Ces, kung kumendeng ay parang dalagang manibalang.
Lahat ng ito, Petroglyphs na nakaukit
Sa kweba ng aking memorya.
Pero ang di malimut-limutan,
Nang tahakin ko ang Doña Aurorang nilakaran.
Kaway sa bintana ni Botong!
Ngiti sa bahay ni Totong Samson!
Saludo sa bubong ni Au Villamayor!
Pagdating sa simbahan,
Marahan akong sumilip sa pintuan.
Naroon, nakaluhod at taimtim na nagdarasal,
Ang unang inibig, minahal,
Na si Ana C. De Guzman. #
Lunes ng Umaga
Nakahapay ang winakwak na baboy
sa traysikel na pangkargada.
Nagdidilig ng banal na dugo
sa tungkab na sahig
na alanganing malinis o madumi.
Matindi ang ginaw
ng kangkong at talbos
na binindisyunan ng hamog.
Tila bagong suklay na buhok ni Linda
ang nakasalansang sitaw.
Daliring sabik mahawakan
Ang okrang malulutong ang buntot
Kung babaliin ng mapanuring kilatis.
Naghihintay ang nakatihayang ampalaya
Sa himas ng makinis na palad ng dalaga.
Pumupusag sa batya’t balde
Ang hito, bangus at tilapiang
Nalulunod sa nahahagap na hangin.
Humahalik ang bagong hasang itak
Sa pisngi ng mahimalang buko.
Pisik ng sabaw nito
Ay nagpupumiglas na lunas
Sa di mapaihi’t maramdamin ang tiyan.
Ang mga saging, madamdaming aranya,
Nanghahalina ang matamis na halimuyak.
May muta pa si Aling Merced Magkakatay.
Nakabakat pa ang banig sa braso ni Hector Magmamanok.
Nagsisimulang bumigat ang kalye
Sa dagsa ng mga minamalat na traysikel
at pumapalahaw na dyip.
Nag-aagawan ang bango ng mga basang buhok
At singaw ng malamig na lupa.
Kiskis ng walis sa semento,
Lagatok ng humahangos na takong,
Ingit ng dumidilat na tindahan ni Ka Diday.
Tikom ang mga musmos na labing
Nabigla sa maagang gising.
Tanging tanguan ang tagpuan at unawaan
Sa buong kapit-bahayan.
Naipuslit ko itong munting larawan
Sa kabila ng nagmamadaling tiktak
Ng naghihikab na Lunes. #
May Damdamin
Malakas ang loob ng eroplanong papel;
Handang salungain ang dahas ng hangin.
Lagalag na hangin ay marunong sumunod
Sa tawag ng labing sumisipol sa gulod.
Labing nagtutuknap ay sabik sa yakap
ng ulang pinatamis ang bawat patak.
Ulan sa mahabang tag-init ay mapagbigay
Sa esterong tigil at naghihintay mahulasan.
Esterong tahimik ay mapagkalingang ampunan
ng mumunting kumpulan ng damong-ligaw.
Damong-ligaw ay natutuhang yumukod
Sa bitak ng kalyeng binahayan ng alikabok.
Gulapay na kalye ay matindi ang pagtitiis
sa martsa ng mga tsinelas at sulak ng init.
Gulanit na tsinelas ay sundalong nangangamuhan;
Kilala ang sariling kalapat na paanan.
Payak na paa ay mayroon ding pangarap:
Ang yumapak sa eroplanong papel at magpatangay sa alapaap. #
Hirap sa Paghinga
Dati, tuwing umaga,
Kinakarga ako ni Tatay
Sa kanyang balikat
Tungo sa taluktok ng Bundok ng Angono.
Itinatapat niya ang nilangisan
Kong likod sa unang silahis
Ng pumupungas na araw.
Ang Lawa ng Laguna
Ay tila salamin kong tinatanaw.
May kung anong luwag
Sa dibdib na hatid sa akin
Ang tagpo: Lamyos ng hangin
at marahang usad ng mga bangka;
Huni ng maya, kaluskos ng bato-bato,
at payapang baklad;
kaway ng dahong talisay
at kinang ng tubig-tabang.
Iyan ang mungkahing lunas
Ng albularyo sa ilalim ng tulay
Upang lumuwag ang aking
Sumisikip na paghinga.
Ngayon, mahina na ang baga ni Tatay.
Lasong-mapait itong mekanikal
Na paglunok niya sa mga tableta
At tradisyong nakabubutas ng bulsa
Ang lingguhang pagbisita sa doktor.
Tumitig ako sa kanyang mga mata.
Doon ko nakita ang nakaukit na reseta:
Pahiran ng langis ang palara,
itapal ito sa kanyang likod.
Itapat ito sa unang silahis ng umaga
Sa Bundok ng Angono
At damhin ang unti-unting umiinit na langis.
Nahulasan ang balong malalim
Sa kanyang dibdib nang sundin ko
Ang matandang lunas. Tumitig ako
Sa lawa at natambad sa mga mata
Ang larawan ng mag-amang kapwa
Kinakarga sa balikat ng kabundukan. #
Berlin Flores
Abo
Nililikom natin
sa ating mga palad
ang mga pangarap na hinulma
mula pagkabata.
Abakada itong unang nagturo sa atin
na ang buhay
at
pagkabuhay
ay may simula
at
wakas.
Ngunit,
gaya ng mga larong-pambata
na 'di naglaon ay nabaon na rin
sa lumot ng pagkalimot,
bumitiw tayo sa pagkaka-kapit
sa agiw ng paggiliw.
Hanggang ang nalabi na lamang sapo
ng kalyado nating mga palad
ay ang abo ng dugo na nabubo
ng ating sugatang
mga puso
at
pagkatao. #
Oda sa Balite
Sa malalabay mong sanga
nagsasangandaan
ang mga pangamba
at alinlangan
ng bawat napapadaan.
Kung bakit ka kinatatakutan,
hindi ko lubos maunawaan.
Ang tanging alam ko lang--
nag-uugat sa 'yong sanga-sangang mga ugat
ang mga alamat.
At,
sa balat mong tinungkab ng panahon
kasamang umaahon
ang mga tikbalang,
kapre,
duwende,
tiyanak,
white lady,
at iba pang nilalang daw ng kadiliman
na ipinananakot ng aming mga magulang
upang pangilagan naming maglaro sa 'yong paanan
at damhin
ang kalayaang hatid
ng lumilipas
na kamusmusan. #
Huling Pagluluno
Tayong
lahat
ay
huhugot
ng huling hininga
upang iwan
itong mortal na
katawan
sa mga bitak ng lupa.
Sasambitin natin
ang syete palabras
habang bangkay na naaagnas
ang nalalabing
lakas. #
Oda sa Angono
Dito, sa Angono, nagsasangandaan ang sala-salabid
nating mga kapalaran.
Dito natin binibigkis at sinisinop
ang magkakasalungat na mga pananaw
at pananampalataya
upang maging isa,
upang magkaisa.
Sapagka't hindi nga ba may pagkakapareha sa pagkakaiba-iba?
Kung papaano nating nililikom ang nagtutunggali't naggigiriang
mga tula,
ganito rin natin pinag-iisa ang hiwa-hiwalay na mga kaisipan
upang lumikha ng iisang paninindigan hinggil sa kung ano,
sa ganang atin,
ang marapat tahakin ng ating panulaan.
Sapagka't may pagkakapareha sa pagkakaiba-iba.
Ang Angono ang ating kanlungan,
at tayo ang nagpapahingalay na mga manlalakbay.
Habambuhay na tayong sa ugnay sa kanya--
Inang kumakalinga kahit pa sa mga anak na alibugha,
binuklod ng iisang hininga at iisang pusod.
Tanging kamatayan lamang,
tanging pagkapugto lamang ng hininga,
ang pansamantalang makapaghihiwalay sa atin
sa kanya.
Ngunit, kahit pa nga sa kamatayan,
muog pa ring nakatayo itong ugnayan.
'Pagkat 'di sapat ang pagkaputi man ng buhay upang putuling tuluyan
ang ating ugnayan sa bayang Angono--
bilang mga alagad ng Sining,
bilang mga makatang nagmamahal sa kanyang Musa,
bilang mapagmahal na mga anak sa ating ulirang Ina. #
Kung Paanong Magpatahimik ng mga Kuliglig
Madali lamang magpatahimik ng mga kuliglig:
prontahan mo lamang sila ng mga maninila
na bagaman asul ang nakabalabal sa katawan
ay tanging pula naman ang ipinakikita.
Pagkatapos,
armasan mo sila
ng trak ng bumbero,
truncheon,
tear gas,
helmet,
baril,
at batutang pambutas ng bungo
ng walang-kalaban-labang
mga kaluluwa.
Kapag handa na ang hukbo,
ipataw na ang parusa sa mga kuliglig na mapayapang
nagpapahayag ng saloobin
hinggil sa utos na sila'y burahin
sa mukha ng daigdig.
Sapagka’t ang utos ng hari ay hindi dapat mabali.
Ibigay mo na ang hudyat.
Ganun-ganun lang--
parang mga buwitreng sabik sa laman,
aatake nang bigla ang 'yong mga utusan.
Matapos mahawi ang usok ng labanan,
sabik mo nang pagmasdan ang bunga ng 'yong kahayupan--
wasak na bisikleta,
duguang bumbunan,
tumatangis na anak at ina,
guhong pangarap,
durog na kaluluwa.
Saka ka magpahinga.
Ngayong tahimik na
ang dating buhay na mga tinig
nilang kinawawang
mga kuliglig. #
Louise Vincent Amante
Gamugamo
Dakilang Gamugamo:
Musmos ka pa’y ningas
Na ang iyong hangad.
Kaya’t nang ikaw ay mapaso,
Lalo ka pang naakit sa liyab.
Lumapit ka sa liwanag;
Natupok ang iyong mga pakpak
At buhay mo’y nautas.
Ngunit hindi nasayang ang iyong pangarap.
Salamat sa iyo,
Dakilang Gamugamo.
Itinuro mo sa amin
Ang dapat tahakin nitong pinipintuhong bayan.
Kaya't tuwing nalalapit ang tag-ulan,
Ginugunita namin ang pagsilang
Mo sa dakilang liwanag.
Higit man sa sansiglong tag-araw ang lumipas,
Hinding-hindi aandap-andap ang alab
Ng pag-ibig namin sa bayan.
Tangan nami’y liyab ng libong sulo;
Taliba ng gintong liwayway. #
Bungang-tulog
Tara na’t umuwi
sa ating mansyong marikit.
Higit itong nagniningning
tuwing dumadampi
roon ang mga huling sinag
ng papalubog na adlaw.
Hayun at tanaw
na natin ang ating balay.
Kahit napaliligiran ito
ng hindi maliparang-uwak
na tubuhan,
naroroon at nakatindig
ang matitibay nitong haligi.
Tingnan mo
ang ating mga supling.
Lumulukso’t naghaharutan,
nagtatakbuha’t nangagsasaya.
Dinig dito sa hardin ang mga tinig
nilang sabik sa ating pagdating.
(Iyan ang aking pangako
sa iyo, giliw.)
Kaya matulog tayo uli. #
Kaimito
Mama, Mama, bili na kayo
Nitong tinda kong kaimito
Ipagbibiyak ko po kayo
At nang matikman na po ninyo.
Ale, ale, mawalang galang
Na po. Baka presyo’y mahal.
Pera sa aking bulsa’y kulang
At hindi kayo mabayaran.
Mama, mama, kapag tumikim
Sa aking kaimito, aliw
Ang inyong madarama. Maliw
Ng kalooba’y makikitil.
Ale, ale, tunay ba’ng sarap
Ng inyong tinda? Tila payat
At hinog sa pilit. Pagkagat,
Baka sangsang ang halimuyak.
Mama, mama, ito pong tinda’y
Sariwa sa sanghaya’t lasa.
Kutis ay makintab na lila
Katas ay di paris sa iba.
Ale, Ale, kung gayo’y alok
Na kaimito’y sadya’ng hulog
Ng langit sa’kin. Kaya, sagot
Ko, isa nga po’t nang mabusog. #
Bahaghari
Pagkatapos ng malakas na ulan,
Hayun at nakatuntong
Sa aming bundok
Ang bahaghari.
Pumaroon ako
Ngunit
unti-unting
naglaho
ang bahaghari.
Hinagilap ko.
Hindi ko makita.
Tumingala ako.
Heto at nakatuntong
Sa aking mga mata
Ang bahaghari. #
Panaginip
Nagising akong wala
ka sa aking tabi.
At naging basag na salamin
ang ating higaan.
Dagli akong bumangon.
Inapuhap ka sa labas ng bahay.
Nilakad ko ang kalsadang
puno ng makikintab na bubog.
Nakarating ako sa kalapit na ilog.
Nagniningning ang mga basag nitong alon.
At naroon ka sa kabilang pampang.
Nais kitang tawagin, abutin.
Ngunit nabasag ang aking tinig.
Pagmulat ko ng mata,
wala ka na sa aking tabi.
Pinagpapawisan ako nang malamig.
Dahil sa basag na liwanag
mula sa poste sa labas,
sumusugat sa aking paningin
ang ilang piraso ng basag
na salamin
ng ating tokador. #
Leah Ramos-Gappi
Dito
Dito sa kalangitan
at dagat nabiyak
sa tiyak ng pintig ng
pusong pinasan ng
sinabi mong krus.
Sa bawat yugtong
agos ng alat ng
ulan galing sa kasiyahan
bilog na pag-ibig sa bayan at Diyos.
Aking hinabol ang lahat
ng pinasan mong aklat
ng paglalakbay, walang katapusan.
Ngayon sa tagal ng lalim
ng iyong pusok at dalamhati
akin ang mga pahina at dampi,
may tuldok din sa Krus na Ligas. #
Trahedya sa Guinsagu-an
Ubos na ang dalamhati.
Tila bang nagdabog ang
Diyos at kalikasan
Sa pag-iyak at hagulhol
ng mga iniwan.
Walang saysay ang lahat.
Sa isang iglap
binawi rin ng gumuhong
lupa at bundok.
Iiyak tayo,
pupulutin at hihimayin
ang mga alaala
sa mga iniwan.
Hindi na magtatanong kundi
sisilayin na lang ang araw at
pag-asa. #
September Mournings
Dark horses come like the whispers at dusk
They accompany the dawns in eerie cracklings of gray envelopes.
Spreading the wide expanse of indigo at end’s gate.
Sometimes they are insistent guests.
Hence, the occupants lock their window sills and doors.
Still the black riders block the shadows despite the light,
despite the blighted occupants endlessly gazing these empty squares,
so white, so light but a vise grips these indigo sheets.
Still, the curtains sway to these winds
anxious are these figures huddled in their cells.
When the songs of winds
reach proud fortresses they know pandora’s boxes will be laden
at mercenaries gates and they wait.
Distant lands tarry these guests counting the bags laden already
Riddled with holes of rats. They are the gods.
They follow the hushing of winds that howl with sand
of parched deserts. They chase the slightest tingle of silver.
When nightingales perch finally on sills
the vista and forests gleam like laden pearls
around their cells of dancig shadows and figures.
It is not always banquets and feasts are held,
In these castles of barren hills. They are interlopers,
these gestapoes.
Indeed these wardens of gilded canopied rooms gathered on their own
sills of black grime.
They are the robbers of shot arrows
of time unwrapped in suspended space,
of every kaleidoscope every season’s rays. #
Glenn Ford B. Tolentino
Liham kay Habaccuc Elohim
Maingat na lumulusong ang propesiya sa alangaang.
Walang naghihimulmol na oras at araw,
Tinitiyak ko ang ikid ng pag-big sa sinapupunan ng daigdig
Nang sa gayo’y hindi mapatid ang hiblang hininga ng iyong ina—:
At ngayong agaw-buhay ang buwan ng Pebrero,
Marapat lang paghandaan ang iyong pagdating o marahil paglisan.
(Naninimbang ang mga luhang tumatawid sa kurdon-pusod ng lunsod)
Liham kay Ruach Elohaynu
(Pagkaraang magtanghal-gitara ni Amansinaya Añonuevo,
sa konsiyerto ng "Kuwerdas ng Panahon", sa Tanghalang Pasigueño)
I.
Marahil itinakda kang maging awit
At sa langit ay handog naming pag-ibig.
Tuwing tinitipa namin ng iyong ina
ang napatid na mga kuwerdas at pangarap,
May kung anong himig ang gumigising
sa aming nahimbing na pananalig.
Marahil itinakda kang maging awit
At sa langit ay handog naming pag-ibig.
Hindi ko man narinig at nayakap
ang iyak ng iyong pagdating.
Ngunit dama naming nariyan ka,
kalaro ang mga nota at hangin.
Marahil itinakda kang maging awit
At sa langit ay handog naming pag-ibig. #
II:
Kagabi,
Nang tawirin ko ang lagot na kuwerdas ng ulirat,
Muli kong narinig ang iyong himig.
Nadatnan kitang nagtatanghal sa entablado
Ng iyong tabula rasa, kumikinang ang iyong barong tagalog.
Mula sa madilim na balkonaheng lingid
Ang pangungulila, taimtim kitang pinagmamasdan.
Naglilirip sa puwang ng ating lunan at inunan.
Laguslagusan sa hangin ang iyong titig at pahiwatig.
Habang sa ibaba, nagninilay sa orkestra ang iyong ina,
Pinagdarasal wari na walang mapatid na linya sa piyesa.
Tinitiyak niyang mahagkan ang bawat notang pumapailanlang.
Nanuot ang iyong awit sa dibdib at gulugod ng aming sumpaan. #
III:
RUACH ELOHIM,
ADONAI ELOHAYNU:
Hinahabilin ko na po sa inyo ang aming panganay na awit-tula.
Angkinin po ninyo siyang sariling anak, At tanggapin bilang puwersa't liwanag na nagmula
sa inyong dugo't laman. Marapatin po ninyong ituro sa kaniya ang Pilosopiya, Astrolohiya,
Sikolohiya, Sining at Literatura ng inyong kaligiran. Palakihin po ninyo siyang may galang
sa mga elemento't elemental na umiiral. At higit ang respeto sa kababaihan.
Ihanda po ninyo siya sa mahabang paglalakbay, uhaw, gutom, at pighati ng sining ng digmaan.
Marapatin po ninyong ituro sa kaniya ang tamang paghawak ng punyal o karit,
magbungkal ng lupa at payabungin ang talinghaga sa sakahan. Turuan po ninyo siyang
iatang ang maso sa balikat, magbanat ng buto't talino nang higit sa makinarya at teknolohiya.
Upang sa gayon, maprotektahan niya ang kaniyang sarili at higit ang kaniyang lipi.
Itakda po ninyo sa kaniya ang babaeng makakasama sa buhay at kamatayan.
Ruach Elohaynu, Bumalik kang tangan ang pulang bituin ng tagumpay at kapayapaan. #
Sanaysay
Tula ni Dr. Jose P. Rizal, peke; Linyang "Ang hindi magmahal sa sariling wika” sa tulang "Sa Aking Mga Kabata,” gawa-gawa lang
No comments:
Post a Comment