(Naisulat ko ang mga tulang ito nang bumalik ako sa Angono at lalawigan ng Rizal taong 2001 matapos magbabad sa UP bilang mag-aaral. Isa sa tumimo sa turo ng mga guro ko ang “bumalik sa inyong bayan at kilalanin ito.” Pagbalik sa Rizal, naging manunulat at paglaon ay naging editor-in-chief ako ng Manila East Watch, ang dyaryong itinatag ni G. Avelino Zapanta na taga-Taytay, Rizal at dating presidente ng Philippine Airlines. Produkto ang mga tula sa paglalagalag ko sa mga bayan sa Rizal.)
Nilalaman
Dalawang Oda sa Antipolo
Semana Santa sa aming lalawigan
Sa Hardin ng mga Bato, sa Cardona
Sa Azotea ng Tanay, Enero 24, 2003
Sa kanto ng Naval at L. Wood sa Taytay: Pebrero 15, 2003
Oyayi sa Paghimbing ng Maestro
Kay Dunya, sa bisperas ng Araw ng Daigdig
Sa unang taon
Sa natatanging dalaga na taga-Taytay
Sa Rizal, Isang Bilog na Berso
Dalawang oda sa Antipolo
I. Kampel*
(Awit ng Manlalakbay)
Sa Buwan ng Paglalakbay,
isang nagniningning na kampel
ang gintong kapa
na nakakumot sa imahen
ng Nuestra Senora deal Buen Viaje,
yakap ang mga nag-a-alay-lakad
sa syudad ng Antipolo.
Nagsisimula ang byahe
ng sanlibo’t sanlaksang talampakang
humahantong sa paanan ng katedral
upang doon kami lumuhod
at magsumamo ng patnubay at tulong.
Isang buli kaming
kumpol ng mga deboto’t namamanata
na pinahihigpit ang batak
ng pananampalatayang dito,
dito naglulundo ang halubigat.
Ihahatag sa Iyong harapan –
ang maasim na mangga ng buhay
(ang murang balat ng lungkot at kunot);
ang hiling na makita ang prinsesa
o prinsipeng uupo sa labi
ng tasang hahalik-halikan tuwing umaga
kasabay ang suman
na matamis ang himbing
sa muling paglatag ng ulo sa unan
habang nakatanod sa bumbunan
ang hugis-hamaka na buwan.
Pagkatapos,
babaunin namin ang bendita
na ipaghele sana nang matiwasay
sa ugoy ng duyan
ng kalendaryo’t tik-tak ng orasan.
Sa pusod ng Antipolo,
may iniiwan kaming
piraso ng aming pagkato
upang sa aming paglalakbay
papalayo sa Iyo, lumapit naman
sa isip at puso
ang hamon na pagtagumpayan
ang patuloy na paglalakbay
ng aming mga sarili bilang mga nilalang,
mga nilalang
na dinidiligan ng Iyong mapagkalingang
bulong at titig –
saan man mapadako ang naliligalig na anino,
sa anumang sulok ng Daigdig ng Tao.
Sa anumang ikikilos,
nawa sa Iyo’y makatuos.
Timbangin kami
kung ano ang nalubos sa maghapon
at huwag ang nakalimutan
sa mga araw ng aming pagkukulang.
Sapagkat kami’y Ikaw din
nang minsan kang sumiping
sa mga tulad naming
nasa balat ng daigdig.
At ito’y iyong patutunayan
sa oras na kami’y mahimbing,
kapag nakaharap Ka’t
sa Daigdig Mo’y makapiling. #
*Tawag ng mga taga-Antipolo sa balat ng suman na isa sa pinakakilalang produkto ng nasabing syudad na nagsisikap na makilala bilang “Pilgrimage Capital of the Philippines.”
II. Sa Kweba Mistica
Dalawandaan
at limang hakbang,
nakatungtong na tayo
sa talampakan ng kasaysayan.
Pahina ang bundok,
may ukit ng hiwaga’t misteryo
sa dingding ng hinagap nating
patuloy na hinahamon.
Nagsasalita ang mga imahen
ng mga kwentong ‘di tulad
ng mga tuldok na patak,
nag-iiwan ng mga kabanatang
batbat ng mga tanong na laging
nananahan sa sulok
ng ating
salat na isip
at salat ng daigdig:
Ang talas ba ng ulan-tubig
ay pinsel nang naghuhubog
ng Makapangyarihang Anino
na kawangis ng Tao?
Ang dati bang putik
ay tubig nang naaanod
at natutubog sa
istalaktayts at istalagmayts,
kumikinang pagdanti ng liwanag
at humihinga ng kislap
pagtapat sa aninaw ng plaslayt?
Pero kaninong braso at kuko
ang humagod dito
at ikinumpas sa ating balintataw
ang kulay at balangkas ng Alapaap?
Katulad ng bago ito unang
ginalugad ng ating lagalag
na huwisyo at hinagap,
isang kwebang anino
ang maglalandas-krus
sa ating mga noo. #
Semana Santa sa aming lalawigan
Narito ang duguang mukha
ng panganay ng Enero,
isinusungaw ng hanging-Abril
sa noo ng mga eskinita at kanto.
Walang labentador, o kwitis,
o samu’t saring ilaw
ang bumabasag sa bungo ng langit.
Ngayo’y piping bibig
at putol na dila ang lumilingkis
sa hampas ng bawat Segundo,
sa hataw ng bawat Minuto,
sa padyak ng bawat Oras.
Nag-aapoy ang sugat ng langit.
Naghuhunos sa pisngi ng kalsada
ang mainit na luha ng daigdig;
pumuputok ang mga labi
na naglunoy sa tisiko
ng champagne, beer at Coke.
Humahaplit na koronang tinik
ang apdo ng bawat isa,
waring sumisikdo at nagsasalita
sa bawat habol ng buntung-hininga.
Sa bawat hampas ng panata,
lumalapad ang bitak sa kalsada. #
Sa Hardin ng mga Bato, sa Cardona
Manlalakbay na nakaupo sa Hardin ng mga Bato
sa Cardona ang makata sa panahon
ng lagalag na de-pindot na laway at mga salita.
Nginangasab siya ng dambuhalang bunganga
ng makina mula sa mga kalyehon at eskinita
ng lungsod na naglulunoy sa tisiko ng beer,
binarat na sweldo ng mason, at mga D.O.M.
sa Kongreso na lumalapa sa murang suso
ng dalagang itinaboy ng gusgusing nayon.
Nilulumot ang kanyang hininga.
Ngunit hindi siya nakakalimot.
Bumubulwak sa kanyang nguso
ang kundi man apoy na inapo
sa pusod ng Lawa ng Laguna
o ang luntiang hininga sa dalampasigan
ng mga hangin at ipoipong nagluluwal
ng mga dambuhalang alon,
umaapoy kapag sumasalpok sa mga bato
dahil itinaga naman niya ito dito:
Anak siya ng bulkan sa pusod ng kasaysayan. #
Sa azotea ng Tanay, Enero 24, 2003
Bukid ng Tepeyac
ang azotea ngayong araw: kulay rosas
ang iyong galak at isang tilma naman
ng mga bulaklak ang mga alaalang
pinupulot mo sa lapag,
iniipon sa buslo ng hinagap.
Minsa’y umaanggi ang kahapong kumulot
na tila kumunot ng mga talulot.
Ngunit ngayo’y San Ildefonso kang
nagbubukas sa pinto ng puso;
nasisipat mo ang maningning na liwanag –
ang kalarong katampisaw sa kamusmusan;
ang kabataang pag-ibig na nauyam;
ang yakap ng mga mahal sa buhay at kaibigan.
May ibinubulong ang iyong tapik
(parang sitsit ng mga banderitas sa hangin.)
May mapa na kinikilala
ang lapat ng iyong talampakan.
At sa bawat aninag ng tingin,
bumibigat ang katawang
matagal na sumandal sa dayuhang dingding
habang mag-isang nakahalukipkip sa panginginig
dulot ng bugso ng nyebeng balot sa lamig.
Batid kong hindi himala ang iyong pagbabalik.
(‘Di tulad ng sibat na pumana sa Birhen ng Guadalupe.)
Ikaw ang Santa Leocadia ngayon
ng malawak na peregrinasyon
na sa altar at luklukan ng iyong pagkatao –
ikaw na taga-Tanay –
ay muling isinisilang.
Nakituloy ka man sa lupalop ng kung saan
upang hanapin ang kapalaran,
ikinukumpisal mo ngayon sa akin,
dito sa azotea na pusod ng iyong hininga,
na may mapagkalingang bulong at awit
ang tahanang laging dinadalaw ng pananabik. #
Sa kanto ng Naval at L. Wood sa Taytay: Pebrero 15, 2003
Sa Araw ng Pasasalamat,
ang lansangan ngayon ay eskinitang
naglalandas ang dulo hanggang
sa kanto ng Baghdad o sulok ng gusali
ng United Nations sa New York:
Ito ang lansangang pinahaba
ng maraming digmaan –
traysikel na humaharurot
(na muntik ka ng masagasaan)
o lasenggong pasuray-suray
(na minsan ka ng hipuan
o hamunin ng away).
Ito rin ang lansangan
ng ating huwisyo at katinuan.
Kaya ipinarada natin
ang ating katauhan, kasamang
binabatak ang
dila ng lobo na nakalawit
sa Gitnang Silangan na tila
apoy ng digmaan sa bunganga
ng nagyeyelong bulkan.
Batid nating ang impit nati’y munting tinig
ngunit nakakadagdag sa ulinig
ng daigdig nating pinapaso ng ligalig.
Tumatama sa sinag ng tanghaling araw
ang kislap ng ating mga ngiti;
gumuguhit ng aninong talas
na hindi mapupurol sa ngatngat ng panahon.
Sabi nga ng bunsong panawagan
ng mga bata na nasa karwahe:
“We want peace, not war.”
At tumango tayo kasi alam natin
na kapag iginisa tayo sa umaapoy,
sumasaboy na mantika at langis,
ano ang ating ipagpapasalamat?
Hindi na tayo makakabili d’yan sa kanto
ng ham and egg o ng malutong na isaw
at barbecue na masarap ang sawsawan.
At higit sa lahat, alam natin
na may maglolang nakatanaw,
nanonood sa pagdaloy
ng mga larawan ng ating buhay,
hindi lamang bilang mga taga-Taytay
kundi nagmamalasakit na ring
mga nilalang ng sangkatauhan
na nasa sangandaan
ng nangangatog ngunit
nakikihamok na kasaysayan. #
Oyayi sa Paghimbing ng Maestro
“Ngayong Malaya ka na sa Dulong Silangan, lalo pang tumatamis wika mo at kundiman.”
-Maestro Lucio San Pedro, “Lahing Kayumanggi”
I.
Ibinandila niya tayo sa sining
Sa buong ikot ng nakaraang siglo;
Kumumpas ng palakpak ang kanyang galing
Angono’y taas-noo sa buong mundo.
DatÃng ang hinayang, nag-iwan ng sakit;
Lagdang “Deo Gratias” sa ati’y gumawi.
Ngunit dapat bang matuliro ang bait,
magsentimyento at maglunoy sa sawi?
Singlawak ng lawa ang yakap sa hamon:
Ingatan at pahalagahan nang lubos;
Bungkalin ang yamang bukal ng panahong
Walang katuyuan at ‘di mauubos.
Gintong ambag mo’y may kinang sa hinagap
Sa mga bunsong obra’y muling kikislap. #
II.
Ang manlilikha’y hindi natutulog
sa ugoy ng duyan ng ating lagalag na panahon.
Pagkakanulo sa Musa ang maidlip,
lalupa’t ang lahat ay nakahalukipkip
at ang dila’y sinisipit
ng takot,
ng pagdududa,
ng nanggigipit na akala.
Wala ring indayog ang himig
ng diwang ang alagad ng sining
ay paugoy-ugoy sa hangin
o nagpapalaki ng ari
habang nakadungaw
sa toreng-garing.
Ang makata’t manlilikha’y
nakaapak,
nakayapak ang talampakang
dinadama ang sugat ng daigdig,
nauulinigan ang hinaing
ng mga walang pangalan,
at ibinubudyong
ang kanilang paghulagpos at tagumpay –
silang ang pagkamalikhain
ang bukal ng ‘di matutuyong
pagsasalukan ng tubig sa Koleke.*
Alingawngaw ang iyong habilin
bilang malikhaing nasyonalista:
“Magsikap na ipakita sa mga akda’t likha
ang imortal na pagpapahalaga
sa masang haligi ng bansa.
Itanghal sila sa pedestal,
igalang at ikarangal,
itampok ang sining ng kanilang
pagkamalikhain.”
Sa iyong paghimbing,
aawitin namin ang iyong sining
na hindi para sa tulad naming nagsasarili’t
bahid ang de-presyong pag-angkin:
Sa kanila ang indayog ng aming tula’t awit;
silang kundi man nililingkis
ng delubyong hangin
na namamatay nang dilat ang paningin
ngunit makakahinga pa rin
pagdating ng habagat o amihan
na mula sa hagkis
ng hanging-silangan o kanluran.
Sa kanila ang ugoy sa duyan
ng panahon nating
patuloy na nagtititis
at nagtitiis
habang ang buwan at araw
ay lumulubog at umaalon,
sa Lawa ng Laguna,
sa dalisdis ng Mahabang Parang,
sa hugong ng kabayanan at poblacion,
sa buong magdamag, araw at maghapon. #
*Isang lugar dati sa Angono, Rizal na bukal ng dalisay na tubig na pwedeng inumin.
Kay Dunya, sa bisperas ng Araw ng Daigdig
“I have lost my baby whom I called Dunya, Arabic for “life” – because of these damned roadblocks.”
-Nasser Ishtayeh, 32, photojournalist ng Associated Press
(Philippine Daily Inquirer, April 21, 2002)
Bago man lang gumising
ang Araw ng Daigdig,
isa munang awit,
o hibik,
para sa iyo, Dunya.
Suminghap dito,
sa aming lalawigan ng Rizal,
sa aming panig ng daigdig,
ang marahas mong pag-idlip.
Isa kang anak
ng nagbibigay-buhay
sa mga kwadro’t larawan
sa araw-araw na pahayagan.
Pero ikaw ngayon ang tangan
sa bisig at kandungan
ng amang nagliliyab ang luha
sa bunso mong pamamaalam.
Sinakal ng mga bakal
na tungkod ni Herod
ang puso mo sa pagtibok.
Habang nakanguso
sa iyong naghihingalong nguso
ang mga riple’t baril
na Made in USA.
Suso ba ito ng ina
o tsupon na magpapatahan
sa idinadaing ng iyong iyak?
Walang nakakatiyak.
Dahil ang ulirat ngayon
ay warat, wasak at biyak-biyak
kung paanong
winawakwak ng mga tangke
ang daan ng katinuan
ng Nablus,
ng Jenin,
ng Ramallah,
at maski ng Bethlehem.
Hesukristo kang
ipinako sa pagkakanulo ngayong
ika-dalawampu’t isang siglo
sa Lupang Pangako ng
Palestino,
Kristiyano
at Hudyo.
Nagsa-Barabas sa iyong bumbunan
ang mga bombang sumisigaw
sa hatinggabi ng kalangitan.
(Tala ba itong nakaaninaw
sa sabsaban ng pagsilang ng buhay?)
Nagsa-Pontio Pilato naman
maski ang United Nations,
USA,
at maski ang Arroyo.
Dunya, patawarin mo
ang baliw na daigdig na ito.
Idalangin mo sa bituin
sa oras na pumaimbulog ka’t
ito’y iyong sungkitin,
na magningning sa bawat tao
ang katinuan at huwisyo,
at huwag ang pagnanasang
nagdudulot ng perwisyo
sa mga susunod pang bunso
na ipaghehele ng Mundo. #
Sa unang taon
(para sa mga kasama sa Manila East Watch)
Dumating tayo sa panahong
putol ang dila ng hangin.
Nagtsitsismisan ang kasinungalingan;
kumakampay ang tagay
ng ilang mga nalasing sa kapangyarihan;
at nais nating makilala
ang anino ng ating lalawigan.
Kung kaya,
naging piping saksi
ang nakadilat na computer,
araw-araw,
at maski sa disoras ng gabi.
Kung minsan,
kahit nakatungtong na
ang pagod sa pilikmata,
nakikipagtitigan pa rin tayo
sa mata ng ipoipo
na minsan,
minsan,
umaalagwa ang ihip hanggang
sa pumipintig nating puso.
Pero nabubuhol man
ang hininga sa banta
ng wasiwas ng buntot-page
o simoy ng bundat na sobre,
sa bandang huli,
mahimbing pa rin nating
nakikita ang mga sarili
kapag nakasilid na
sa unan ang gabi.
Ito naman kasi ang ating gawi:
purihin ang mabuti;
isiwalat ang mapanghi;
marinig ang mga walang tinig;
at makatungtong sa anino nating
naglalandas
sa mga putol na kalye
na iniwan ng kurap na pulitiko;
sa Lawa ng Laguna na pagsasalukan
ng tubig ng mga taga-Maynila;
sa bundok kung saan aapak
ang boots ng mga Amerikano
(dahil umano sa planong Balikatan);
sa Kweba ng Pamitinan o Mistica,
o sa Angono Petrogylphs,
o sa Paraiso ng Uugong sa Morong,
o sa Hardin ng mga Bato sa Cardona.
Sa ating unang taon,
kahit papaano,
hindi lang naging pamaypay
o pambalot ng tinapa ang ating dyaryo:
nabusog ang hangin
at dumighay ng katotohanan
mula sa sari-sariling
kaibuturan ng ating mga katauhan
bilang mga taga-Rizal. #
Sa natatanging dalaga na taga-Taytay
(para kay B)
I. Tula ang una nating pagkikita
Isa palang organisasyon sa buong daigdig
ang Lions Club International na itinatag
at naglilingkod sa mga bulag.
Sa Taytay, Rizal,
may tatlo na itong sangay:
ang PAG-IBIG,
ang KABALIKAT,
at ang pinakahuli,
ang KAAGAPAY.
Nalaman ko ang mga ito
nang una akong manalamin
sa iyong mata na nangungusap,
nang ang aking titig ay unang umapak
sa pilikmata mong na kasing-gaan
at kasing-lambot ng ulap –
Ikaw,
na naglalakad na tula;
Ikaw,
na natatanging dalaga na taga-Taytay.
At biglang lumiwanag ang Paligid
Sa aking madilim na Daigdig. #
II. Sa Daranak Falls, sa Tanay
Kakatwa, nakakakita ang mata ng puso na siya lamang
ang nakakaaninag ng itsura. Tulad ngayon: may salamin-
repleksyon ng isang dalaga na taga-Taytay ang ganda
ng Daranak Falls sa Tanay. Mula sa ibabaw ng bundok,
sa tuktok, binibilot ang puyo ng alon. Nakalagda ang simula
at dulo sa mapa ng bilog na indayog – isang buong awit na
nakatungtong sa pilikmata ang bawat nota at himig. At ang
lagaslas ng tubig, kristal na buhok na nakalugay at nakakwadro
sa malambot na batok. Sa paglusong ng agos, may mga patak
na naiipon sa pisngi ng tubig (tulad ng iyong butil na nunal):
bumubukad ang biloy na parang kilapsaw na nag-iikid ng
luntiang agos, tumitilamsik ang ningning sa mga kristal na ngiti
na nakabakod sa hugis-pusong bibig. Tumitibok din ang labi.
At ang patunay: ang pira-pirasong butil ng talsik sa gilid ng mga bato
at buhangin. Sumasagitsit ang hiningang-tibok ng naipit at napiit
na alon ngunit naglalandas hanggang sa dulo ng kambal na balon,
ang bukal sa bukad ng buhay. At ang iyong kaakuhan, ang bigat
na buhat ng balakang hanggang talampakan – Ay! nakakamangha
ang grabedad ng pagkabuo: nababasag na bula ang mga sirkulo
ng alon ngunit muling nagtatagpo kung saan naroon ang pusod
ng indayog. Sa aking dibdib, luntiang tubig ang umaagas, may
pumipilik na pangarap: huling kabit man ang ikalawang mano sa
bulaklak na pintig, lumalago at gumagapang ito hanggang sa
aking labi. Huwag sanang mailista sa bunganga ng tubig o kaya’y
maging tinik ng isda na sa lalamunan ay sasabit, at bibikig. Ito lamang
ang bulong sa hangin. Ngunit nasa iyo pa rin kung magpapatianod
sa hiling. At kung di man umiling, tanggapin ang yapos ng bisig na kasing-
lawak ng tubig. Gawin mong bangka o katig ang aking bisig at doon
maghayuma at lumambat ng mga pangarap. Kung datnan naman ng pagod,
gawing unan ang aking kabilang bisig at doon humabi ng mga panaginip.
Habang tinititigan ko ng may lambing ang iyong paghimbing. #
III. Sa iyo, ilang tanaga
Sa iyong antok
Nakasandal ang pagod
sa diwang inaantok
sa paghiga’y isaplot
ang nakalatag kong yapos.
Bituin ay uulan
papatak sa ‘yong unan
sa ‘yong buhok uunan
ang silahis ng buwan.
Sa iyong kumot
Kung ako kaya’y kumot
sa katawa’y isuksok
‘wag lamang pong uutot
ilong ko po’y kukunot.
Sa iyong pagtulog
Gabi ma’y naiinip
mula sa pagkaidlip
sa pagdilat ng isip
ikaw ang panaginip.
Sa iyong paggising
Naghikab ang umaga
sa malambot mong kama
sumikat sa ‘yong mata
ang asul na pag-asa.
Sa iyong cellphone
Kung text ngayon ay tinig
naka-silent na bibig
ringtone kaya’y marinig
mula sa aking dibdib?
Sa Amba ng iyong bayan, Byernes Santo
Lubid man ng ulila
ang batak ng gunita
may panata ang hila
na pag-asang ga-hibla.
IV. Dahil tinatanong nila ako
Ako, si Richard R. Gappi,
na nakatira sa Venus Compound,
Barangay San Isidro, sa pugad
at bayan ng mga artista at manlilikha sa Angono,
sa lalawigan ng Rizal, sa bansang Pilipinas,
sa kontinente ng Asya – na isang anak ng mundo
sa panahong madilim – ay binato ng mga nagtataka,
nang-aasar o kundi man nang-uusig na tanong
ng isang dalaga na taga-Taytay
at ng aking mga kakilala at kaibigan:
Bakit mo po ako tinutulaan?
Mahal mo ba siya talaga?
Iniibig mo ba siya talaga?
Manunulat ka ba o manunulot?
Idaan mo na lang kaya sa kamot?
Sumagot ako.
Hindi kita iniibig.
Hindi kita minamahal.
Hindi ko siya iniibig.
Hindi ko siya minamahal.
Napakamot sila ng ulo at sumimangot.
Pero nagpaliwanag ako.
Hindi ko siya minamahal
dahil may iba nang bumubulong
sa kanya ng “Mahal kita” araw-araw.
Hindi ko siya iniibig
dahil may iba nang nagte-text
sa kanya ng “Iniibig kita” gabi-gabi.
Lalo silang
napasimangot at napakamot ng ulo
sa aking mga isinagot.
Nagbigay ako ng huling paliwanag.
Hindi ko siya minamahal.
Hindi ko siya iniibig.
Dahil
mas marubdob,
mas malalim,
mas dakila,
at higit sa lahat,
mas dalisay
na damdamin ang tumula
kaysa umibig o magmahal.
Gusto na akong layasan
ng aking mga kausap.
Pero nang sabihin kong
kapag bumukad ang perlas
at pumusag ang mga isda sa dagat
At makaharap ko siya –
Sasabihin ko sa kanya:
Hindi kita minamahal.
Hindi kita iniibig.
Kundi
tinutula kita.
Tinutula kita.
Dahil
mas marubdob,
mas malalim,
mas dakila,
at higit sa lahat,
mas dalisay
na damdamin ang tumula
kaysa umibig o magmahal.
Dahil tinutula kita
laluna sa aking pag-iisa.
(Nang marinig ito ng aking mga kasama,
may kung anong pana ang parang tumudla
sa kanila. Natulala na lang sila.)
V. Kung bakit kita tinutula
Kung
mas marubdob,
mas malalim,
mas dakila,
at higit sa lahat,
mas dalisay
na damdamin ang tumula
kaysa umibig o magmahal
kung kaya tinutula mo ako,
ano ang nakita mo sa akin?
Ito ang tanong sa akin
ng natatanging dalaga
na taga-Taytay.
Sumagot ako.
Bukod sa nakita,
higit sa lahat,
ang nadama.
Kaya may tula.
Tinutula kita dahil
ang tula ang katawan
ng puso at diwa.
At bago ko pa man
mapisil ang iyong kuko
o mahaplos ang iyong palad,
mas una kong niyakap
ang iyong kaluluwa.
Walang kasing-higpit.
Walang kasing-init.
VI. Sinigang na spare ribs
“How would you call this special string that binds us?”
Walang pangalan
ang ating nararamdaman:
itong sabay na tibok ng ating puso
na sinusubukan nating kilalanin.
Magkonsulta kaya tayo sa diksyonaryo?
Itanong kaya natin kay Ernie Baron?
Ano’ng emosyon ito
na nasa gitna
ng pagiging kasintahan
at pinakamatalik sa pinakamatalik
na pagkakaibigan?
Ako, na nagbe-berso-berso,
ay naumid ang dila.
Wala akong mahagilap na salita!
Ngunit nangatwiran ako.
Minsan kasi, tulad ngayon,
walang pangalan ang emosyon
sapagkat ang salita
ay mula sa utak, sa katwiran.
At narito ang mahika:
may sariling katwiran
at emosyon ang puso
na di batid ng isip.
So, ano ngayon ang tawag?
Mungkahi ko,
tawagin na lang natin itong:
“sinigang na spare ribs.”
Kaya unawaan ako
sakaling ako o ikaw
ang unang gumamit ng salita
sa pangalan o tawag
sa walang pangalan o tawag.
Bukod sa “tinutula kita,”
“sinisinigang na spare ribs din kita.”
VII. Sweet tamarind
(Susog sa “Sinigang na spare ribs”)
May naghabol sa pagpapangalan ko
ng “sinigang na spare ribs”
sa walang pangalan na nararamdaman,
itong emosyon na nasa gitna
ng pagiging kasintahan
at pinakamatalik sa pinakamatalik
na pagkakaibigan.
“E, kung sweet tamarind kaya?”
“Sinonim na lang ‘yon o singkahulugan…”
“Walang tamis ang sinigang!”
“Pero may asim po naman…”
“So, puro asim tayo?”
“Hindi po literal na asim. Di ba may idiom na ‘may asim pa’?”
“Meaning..?”
“Meaning, hindi nawawala ang tamis ng pagmamahalan sa lahat ng aspect o level…”
“J”
“J, tsaka sa sinigang, sabaw pa lang ulam na!”
“Meaning…?”
“Meaning, tipid pero nakakabusog.”
“? tipid saan?”
“Tipid kasi sa sinigang. Masarap ang sabaw kaya marami kang makakain kahit konti lang ang sahog.”
“Ano nga relasyon nun sa ‘tin?”
“Ng alin? Ng sinigang na spare ribs?”
“Ay! Ayaw sumagot ng deretso…”
“Pareho tayong payat, buto-buto!”
“May buto rin ang sampaloc!”
“Seedless sweet tamarind ang bigay mo.”
“Could you be more specific…?
“Mahal na mahal kita – mula bumbunan hanggang talampakan…”
(Nagkasundo kami: pagkakain
namin ng sinigang na spare ribs,
panghimagas naman ang sweet tamarind.)
VIII. Sa Sitio Lambak, sa Taytay
Isang tapik lang
ang pagitan ng ating inuupuan.
Nasa harapan kita,
nasa likod mo ako.
Habang nakapayong sa atin
ang lilim ng puno.
Pagtingala ko,
sumalpok sa mata ko
ang mga bunga ng alatires,
namimintog!
At nag-text ako sa iyo:
“Uy! Ang galing-galing.
Ngayon lang uli ako
nakakita ng puno ng alatires!”
Humarap ka sa akin
at nangiti nang tahimik.
Kung mahulog kaya
ang pulang-pula na mga alatires
at pumatak sa biloy ng iyong pisngi,
pwede ko kaya itong saluhin ng aking labi?
Titikman ko lang kung gaano katamis.
IX. SIM Card
Binura ko kanina ang iyong pangalan
at cellphone number sa aking phonebook.
Katulad ng ginawa ko sa mga unang
nagpaliyab ng puso at lumikom sa mga upos nito.
Natira lamang ang mga pangalan ng aking
nanay,
mga kapatid,
mga kamag-anak,
mga kakilala at kaibigan,
at mga kasama sa trabaho at panulat.
(Pero hindi ko kumpletong kabisado
ang kani-kanilang numero.)
Pagkalapag ko ng aking cellphone
sa lamesa, nag-vibrate ito.
May nag-text.
Pagkatapos, mabilis itong
sinundan ng isang missed call.
Nang buksan ko ang Menu,
tumitig sa akin ang labing-isang numero
na naka-register sa screen.
Kung sakali pa lang nakawin
ng snatcher ang aking cellphone,
number mo lang ang maiiwan
dahil ito lamang ang natatandaan.
Sa iyo ko pala unang maipapaalam
ang inabot kong masamang balita.
Doon ko mauunawaan
na kahit sa iyong paglisan,
may maiiwan kahit ako’y iyong iwan.
Doon ko rin mapapatunayan na wala palang
mas haytek na SIM pack kundi ang isinilid
at iningatang SIM card ng puso at utak.
X. Pagtawid
(Pasintabi kay Pablo Neruda)
Kagabi, habang isinusulat ko ang pinakamalungkot
at huling tula na inialay ko sa kanya, nilisan ko
ang Daigdig ng Sinigang na Spare Ribs at Sweet Tamarind.
Sinamahan pa niya ako sa pagtawid.
“Kailangang umatras, dahil kung hahakbang pa ng isa
pasulong, bagyo na ang sasalubong,” wika niya.
Tumango ako habang sabay kami papalayo sa guhit
na humahati sa Daigdig ng emosyon na walang pangalan
at sa Mundo na may mga pangalan ang nararamdaman.
“Isang birtud ngayon ang humakbang nang isa pabalik
upang makahakbang muli ng dalawa pasulong – bukas
o pagdating ng panahon,” sagot ko.
“Kung nais mo akong makilala, doon ka muna sa ating
pupuntahan manahan. Doon, may hugis ang lahat, sari-sari
ang kulay at marami kang katulad ngunit nag-iisa ka lamang.”
Nang isang hakbang na lamang kami sa lugar na aming pupuntahan,
kumaway ang kanyang kamay (ang palad na lagi kong nahahaplos
sa pangarap) at nagbilin:
“Ngayong nayapos muna ang aking kaluluwa, pakinggan naman
ang aking tinig, damahin ang sugat at panimdim, kilalanin
ang mapa ng aking katawan at bayan.
Higit sa lahat, subukan ding
manalamin ng pag-ibig sa ibang mata.
At pagkatapos, kung sa bawat araw na lumipas,
kung ang pananabik ay bulaklak na lumalago mula
sa guho at hinahanap ang aking puso, sasalubungin kita katulad
ng bagong silang na umaga. Kung papasikat na ang araw at ang panahon
ay maaliwalas. Doon, lilikumin natin ang mga naabo na tangkay ng nakalipas
upang papagliyabin muli nang mas marubdob ang ningas. Sapagkat,
gusto kitang payabungin sa aking puso nang walang bahid
ng pagsisisi at hinanakit, nang hindi naliligalig ang isip.”
Kumaway ang pamamaalam pagkaapak ko
ng unang hakbang sa bagong daigdig.
Mula sa kinatatayuan ko, pinabaunan ko siya ng huling sulyap:
tumitingkad ang kanyang biloy sa pisngi tulad ng ningning ng isang
asul na bituin – isang buhay na nunal sa hangin. Pagtalikod ko, may
sumalubong sa akin. Iniabot ang kanang palad at nakipagkamay.
“Ikaw ba si Gappi?”
“Uy, Bing…!”
“Sino si Bing?”
“A, wala lang…”
“Ako nga pala si Beverly…Makata ka raw?”
“Oo.”
“Tulaan mo ang aking Mundo, aking Kaibigan at Makata ng Puso.”
At kami ay nagberso-berso. #
Sa Rizal, Isang Bilog na Berso
I.
Nililingon natin ang kahapon tulad ng isang sinulid;
isang puting tuldok ng himulmol na nagkakapangalan
sa dulo ng karayom. Matalas ang bakas ng hintuturo’t
hinlalaki sa kung paano ang ganito at ito ng kabilang mundo,
ng kabilang dakong tatawiran, ng bawat hakbang ng kalendaryo.
Punit ang bawat araw; tanging sulsi ng pangarap
ang magtatagni sa bawat hinagap sa hinaharap.
Ngunit ang lahat ay salat; ang talas ng kinang ay laway
na namuo sa bukambibig ng kalatas – bawat salita’y buhol sa lubid.
Sakaling mapatid ang pag-ikid ng daigdig
huling hininga ma’y idugtong sa pintig ng pag-ibig.
II.
Kapag humihingi tayo ng sundang sa buwan,
ibinibigay niya ito sa hugis ng ulan.
Ang patunay: sa unang lagpak ng butil,
tila wakwak na tumatarak sa katawang lupa.
Sa umpisa, aakalain mo pang talulot ng bulaklak,
koronang nanikluhod, humalik sa balat ng daigdig.
Ngunit malalaman mong tulad ng bawat igkas,
mabigat ang naknak. Sa iyong talampakan,
titingnan mong dugong kumalat ang nagsama-samang patak.
Kung ang ulan ay sundang, tagdan itong nagpapaalala
sa pagitan ng magkalayong lawas-pangkalawakan.
At ang isang hakbang ay hindi
palaging higanteng yabag ng bawat nilalang.
III.
Itinakda mong hindi ka dapat malingid.
Bawat pagligid sa pag-ikid ng araw,
sa iyo, Emperyong Pangkalawakan,
ang lahat ng titig. Kahit ang lahat ay isang
nilalang na itinuring kang buong kalawakan.
Mata sa mata ang batid mong batas sa paligid.
Sa pag-idlip, lahat ay magdidilim.
Ngunit sa paggising, ang liwanag na unang silay
ay huling ningning ng kadiliman.
Hihigupin ka ng kalawakan (at patunay ito sa pagtitig
sa bilog na walang katapusan). Tatayo ka.
Sa unang hakbang, ang Emperyong Pangkalawakan
ay buwang tinundusan ng dayong tagdan.
Mabigat ang lapat kung saan tutungo
ang kasunod na yapak. #
No comments:
Post a Comment